Hindi na basta-basta makakapasok sa trabaho ang mga kawani ng Misamis Oriental at Bukidnon kung wala siyang maipapakitang vaccination card o negative result ng RT-PCR test para sa COVID-19.  

Ayon sa ulat ni James Paulo Yap sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, ang naturang patakaran ay ipatutupad ng pamahalaang panglalawigan, alinsunod sa inilabas na direktiba ng Inter-Agency Task Force [IATF] for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ayon sa opisyal ng Provincial IATF ng Misamis Oriental, ipatutupad nila ang kautusan sa mga kawani simula sa Disyembre 1, 2021.

ADVERTISEMENT

Para makapasok ang kanilang mga kawani sa trabaho, kailangang ipakita nila ang kanilang vaccination card.

Ang mga walang vaccination card o hindi pa bakunado, kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test upang patunayan na wala silang COVID-19.

Dapat nila itong gawin linggo-linggo.

Ganito rin ang ipatutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Bukidnon.

Pero sa halip na linggo-linggo ang RT-PCR test ng mga hindi bakunado, gagawin ito ng kanilang mga kawani tuwing ikalawang linggo. --FRJ, GMA News