Dumagsa ang mga tao sa Vigan City Public Market sa Ilocos Sur para bumili ng isdang "ipon" matapos na bumagsak ang presyo nito ng halos kalahati dahil sa dami ng nahuhuli.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing mabenta ang ipon kahit karaniwang umaabot sa P600 per kilo ang presyo nito.

Pero dahil sa dami ng huli ngayon, bumaba ito ng hanggang P250 ang bawat kilo.

ADVERTISEMENT

Seasonal ang panghuhuli sa ipon na pinapayagan lang na hulihin ng mula Setyembre hanggang Enero, alinsunod sa ordinansa ng lalawigan.

Ang sariwang ipon, maganda raw na igisa sa kamatis at sibuyas o kaya naman ay ipaksiw. Ito rin daw ang the best para gawing bagoong.

Sa Santa, Ilocs Sur, makikita na abala ang mga mangingisda sa panghuhuli ng ipon kahit hindi kalayuan sa pampang.

Marami rin umanong ipon na lumabas sa bayan ng Caoayan.

Ayon sa mga mangingisda at tindera sa palengke, malaking biyaya ang ipon dahil sa ibinibigay nitong kita sa kanila lalo na ngayong panahon ng pandemya.--FRJ, GMA News