Lima katao ang nasawi, at 10 iba pa ang nasugatan sa karambola ng mahigit 10 sasakyan sa Talisay City, Cebu nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV "Balitang Bistak," sinabing kabilang sa karambola ang dalawang 10-wheeler truck, isang 6-wheeler truck, apat na 4-wheel vehicles, limang motorsiklo at nadamay din ang isang bisikleta.

Nangyari ang trahediya sa Barangay Lawaan 1 sa Talisay City. Pero sa bahagi ng Barangay Lawaan 3, nahuli-cam sa CCTV ang unang pagsagi ng pulang dump truck sa multi-cab.

Nagtuloy-tuloy pa ang naturang truck na may kargang limestone hanggang sa mabangga na nito ang iba pang mga sasakyan.

Napuruhan at nagkayupi-yupi ang ibang sasakyan nadamay sa insidente.

May mga biktima na napahandusay sa kalye at mayroon ding mga naipit.

Apat ang kaagad na nasawi sa aksidente, habang nasawi naman habang isinusugod sa ospital ang driver ng nakabanggang truck.

Kabilang sa mga biktima sina Jose Wendel Cataquez, 66-anyos; Paquito San Pedro, 29; Glenn Baclay, 24; at isang babae.

Ayon sa isang saksi, sobrang bilis ng takbo ng truck. 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng aksidente. --FRJ, GMA News