Hinihinalang matinding selos ang nagtulak sa isang ama para patayin sa saksak ang kaniyang asawa at dalawa nilang anak na edad apat at lima sa Tupi, South Cotabato.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Beverlyn Dinal, at dalawa niyang anak.

Hininalang nagsaksak sa sarili at namatay din ang suspek na si  Allan Dinal, residente ng Barangay Kablon.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulisya, Biyernes ng hapon ay sinundo pa ni Allan sa General Santos City si Beverlyn, na nagtatrabahong kasambahay.

Kinagabihan, nakarinig ng sigaw ang mga kapitbahay na patay na ang mga biktima. Nakita nilang duguan ang suspek at may hawak na patalim.

Nakita sa loob ng kuwarto ang duguang katawan ng mag-iina.

Isinugod naman sa ospital si Allan pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong sugat sa tiyan na pinaniniwalaang ginawa niya sa sarili matapos patayin ang kaniyang mag-iina.

Hinihinala ng mga awtoridad na nagseselos ang padre de pamilya dahil itinatago na umano ng ginang ang cellphone nito at nilagyan pa ng password.

--FRJ, GMA News