Pinagbabaril habang dumadalo sa Christmas party ng kanilang partido ang isang alkalde at isang dating alkalde na parehong kakandidato sa Eleksyon 2022.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina incumbent Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez at si dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte.

Ayon sa mga awtoridad, nasa gitna ng kasiyahan ang mga biktima nang biglang may magpaputok ng baril.

Kritikal ang kalagayan ni Gutierrez na nagtamo ng tama ng bala sa ulo. Nagtamo naman ng tama ng bala sa batok si Almonte at maayos na ang kalagayan.

Napag-alaman na tatakbong vice governor ng Misamis Occidental si Gutierrez, habang tatakbo namang kongresista si Almonte.

Bumuo na ang pulisya ng special task force para alamin ang motibo sa krimen at kung sino ang likod ng pamamaril.--FRJ, GMA News