TAGKAWAYAN, Quezon - Patay at nagkalasug-lasog pa ang katawan ng isang babae at isang lalaki matapos silang masalpok ng isang pampasaherong bus sa Quirino Highway sa Barangay Rizal, Tagkawayan, Quezon dakong alas-dose ng hatinggabi nitong Miyerkoles.

Ang lalaking biktima, nakaladkad pa ng bus hanggang sa magkahiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan nito.

Base sa report ng Tagkawayan Municipal Police Station, biglang tumawid na tila naghahabulan ang mga biktima sa highway nang masalpok ng Bragais bus na galing Bicol at patungong Maynila.

Ayon sa pulisya, inaalam pa kung nakainom ng alak ang dalawang biktima.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Jacobo Magdami at Tess Perida.

Agad namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang driver ng pampasaherong bus na si Michael Baraero. Wala pa itong pahayag.

Nangyari ang insidente ilang araw lamang matapos tatlo ang nasawi sa parehong highway 'di kalayuan sa lugar ng panibagong aksidente nang masalpok ng delivery van ang isang motorsiklo.

Ibayong pag-iingat ang pawagan ng pulisya. —KG, GMA News