Patay ang dating alkalde ng Anda, Pangasinan matapos siyang barilin ng dati niyang tauhan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Aldrin Cerdan.

Naaresto naman ang suspek na si William Cagampan alias Dugong, na nahaharap sa kasong murder.

Ayon sa pulisya, nagpapahinga sa kaniyang farm si Cerdan sa Barangay Namagbagan, nang dumating ang suspek.

Nagkausap pa raw ang dalawa hanggang sa mauwi sa pamamaril ng suspek sabiktima.

Isinugod sa pagamutan ang dating alkalde pero binawian din ng buhay. Naaresto naman ang suspek kinalaunan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ferdinand de Asis, ang suspek ay naging dating bodyguard ni Cerdan, dati ring ambulance driver at personnel staff.

Lasing umano ang suspek nang mangyari ang krimen, na hindi nagbigay ng pahayag.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng suspek sa pamamaril. — FRJ, GMA News