Patay ang isang anim na taong gulang na babae at tumilapon ng ilang metro ang katawan nito matapos masabugan ng pinaniniwalaang dinamita sa Agoo, La Union.   

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang malagim na trahedya sa pamilya Aspillaga sa mismong araw ng bagong taon.

Ayon sa ama ng biktima, natutulog siya nang mangyari ang pagsabog. Pero bago umano siya matulog, nakita niya ang anak na naglalaro sa labas ng kanilang bahay.

"Possible na nakaimbak lang yung bagay na sumabog doon sa bahay. Mangyaring ito ay sinindihan o ginalaw o may ginawa para ito ay sumabog," ayon kay Police Major Freddie Lorenzo, Deputy Chief ng Agoo Police Station.

Sa lakas ng pagsabog, tumilapon ang katawan ng biktima sa layong 17 metro.

Nasira din ang sa kongkretong pader ng makabilang bahay, at nabasag ang salamin sa bintana ng isa pang bahay, at nauka ang bubungan.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng sumabog na bagay na posibleng managot sa nangyaring insidente.--FRJ, GMA News