Nasawi ang apat na miyembro ng pamilya, kabilang ang dalawang menor de edad, nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Concepcion sa Virac, Catanduanes.

Sa ulat ni Jessie Cruzat sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Jzar Estacio at live in partner nito na si Rosemarie Buentiempo, at dalawa nilang anak na edad pito at apat.

Nakaligtas naman pero nagtamo ng mga paso sa katawan si Benzon Buentiempo.

Ayon kay Fire Inspector Marlon Vargas, nakuha ang mga labi ng mga biktima sa magkahiwalay na kuwarto sa dalawang palapag na bahay.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ano ang sanhi ng sunog.

Pero ayon kay Benzon, natutulog siya nang makarinig siya ng pagputok. At nang gumising siya ay malaki na ang apoy na abot na sa hagdanan ng bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng sunog at halaga ng pinsala nito.--FRJ, GMA News