Patay ang isang 20-anyos na babae sa Tigaon, Camarines Sur matapos na mabangga ng motorsiklo ang sinasakyan niyang motorsiklo rin.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Marimel Montible, ng Barangay Caraycayon.

Sa kuha ng CCTV sa lugar na pinangyarihan ng insidente, makikita na nakaangkas ang biktima sa motorsiklo nang banggain sila sa likuran ng isa ring motorsiklo.

ADVERTISEMENT

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng nakabanggang motorsiklo kaya hindi na nito naiwasan ang motorsiklo na sinasakyan ng biktima na papaliko sana.

Nais naman ng ina ng biktima na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang anak.

Limang iba pa ang nasugatan din sa naturang insidente.

Mahaharap ang rider ng nakabanggang motorsiklo sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to properties. --FRJ, GMA News