Kalunos-lunos ang sinapit ng mag-asawa at anak nilang dalawang-buwang-gulang, na pawang nasawi matapos salpukin ng isang truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa San Carlos City, Negros Occidental

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa amateur video na pumailalim at naipit sa water truck ang mga biktima kaya naging pahirapan ang pagkuha sa kanila.

Idineklarang dead on the spot ang mga biktima na kinilalang sina Joemar Hirasol, 29-anyos, ang ama; misis niyang si Angelyn, 19; at ang kanilang anak.

Nakaligtas naman ang 10-taong-gulang na kapatid ni Angelyn na tumilapon sa motorsiklo nang mabangga sila ng truck.

Patuloy siyang nagpapagaling sa ospital.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sinusundan ng truck na minamaneho ni Mickey Gallo ang motorsiklo ng mga biktima sa pababang bahagi ng kalsada sa panulukan ng San Carlos at Don Salvador.

Binalak umano ni Gallo na mag-overtake sa motorsiklo pero nagkaroon daw ng problema sa manibela ng truck kaya nabunggo niya at nakaladkad ang motorsiklo.

Nakadetine na sa pulisya si Gallo at mahaharap sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA News