Nauwi sa trahediya ang inuman ng isang grupo ng magkakaibigan sa Quirino, Ilocos Sur nang mahulog sa bangin at masawi ang isa nilang kasamahan na nagpaalam lang na iihi.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Revin Sombredo, 20-anyos, at isang construction worker.

Nasa inuman ang biktima kasama ang kaibigan nang mangyari ang insidente.

"Tumayo siya para umihi. Pagbalik niya napatid, 'yun na nahulog doon sa bangin. Yung mga kasamahan niya ang nagsabi baka napatid," ayon kay Jonaly Ngomintong, kaanak ng biktima.

Wala raw bakod sa bangin na 10 hanggang 15 metro ang lalim at kalsada na ang babagsakan.

Ayon kay Police Lieutenant Alden Isang, hepe ng Quirino Police station, lumitaw na talagang nakainom ang biktima batay sa resulta ng medico-legal examination.

Nagtamo umano ng matinding pinsala sa ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Naniniwala naman ang mga kaanak ng biktima na aksidente at walang foul play sa nangyari.--FRJ, GMA News