Isang komentarista sa radyo na kakandidatong konsehal sa Lambayong, Sultan Kudarat ang nasawi matapos na pagbabarilin.

Kinilala ng Police Regional Office 12 ang biktima na si Jaynard Angeles, na pinagbabaril sa Barangay Carmen sa Tacurong City nitong Miyerkules.

ADVERTISEMENT

Ayon kay PRO12 PIO chief Police Lieutenant Colonel Joyce Birrey, nangyari ang pamamaril kay Angeles dakong 10 a.m.

Sa ulat ni GMA News stringer Ferdinandh Cabrera sa Super Radyo dzBB, sinabing nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Angeles.

Tatlong putok umano ang nadinig ng mga tao sa lugar na malapit sa car wash station.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.— FRJ, GMA News