Patay ang isang punong barangay sa Guagua, Pampanga, matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Rainer Asban, chairman ng barangay Sto. Niño.

Sa kuha ng CCTV camera, nakatayo sa isang lugar ang biktima nang tumigil hindi kalayuan sa kaniya ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo.

ADVERTISEMENT

Bumaba ang angkas nito na may hawak na baril at pinuntahan ang biktima, saka pinagbabaril.

Nasawi ang biktima na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at braso.

Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo at hindi nakilala dahil sa suot na helmet.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

Nag-alok naman ng pabuya na hanggang P500,000 ang lokal na pamahalaan ng Guagua para madakip ang mga salarin.--FRJ, GMA News