Isinugod sa ospital ang anim na katao na sakay ng isang L300 van matapos silang salpukin ng isang tractor head sa Polangui, Albay.

Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Lunes, sinabing batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pansamantalang tumigil ang L300 van sa gilid ng kalsada na patungo sa direksyon ng Naga City, Camarines Sur.

Samantala, galing naman sa direksyon ng Metro Manila ang tractor head at patungo sa Legaspi City sa Albay.

Pero pagdating lugar, biglang bumangga ang tractor head sa nakaparadang L300 van.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng sugat ang driver ng L300 van, at ang lima nitong sakay na pawang dinala sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring sakuna.--FRJ, GMA News