Patay ang isang lalaking nurse matapos siyang barilin habang sakay ng motosiklo sa Barangay Pahinga Norte sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Denreb Ibre, 30-anyos, na kaagad pumanaw matapos pagbabarilin ng salaring nakasakay din ng motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing nakaangkas sa motorsiklo si Ibre, at tumigil habang palabas na sana sa highway dakong 3:00 pm.

Dito na sumulpot ang salaring nakasakay sa motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Hindi naman nasaktan ang rider ng motorsiklo na sinasakyan ni Ibre.

Kaagad namang tumakas ang salarin matapos maisagawa ang krimen.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Candelaria police upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.

--Peewee Bacuño/FRJ, GMA News