Natagpuan ang isang bagong silang na sanggol sa lababo sa labas ng isang clinic sa General Santos City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, inilahad ng isang staff na umuulan noon at kumakain sila ng hapunan nang may lalaki na kumatok at sinabing may nakita siyang sanggol na iniwan sa lababo sa labas ng pagamutan.

May kasama pang buhangin sa ulo at likod ang sanggol, at dumudugo pa ang umbilical cord nito kaya siya nilinisan, pinaliguan at binakunahan.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng city welfare ng lungsod ang bata.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan sa kaniya. — Jamil Santos/VBL, GMA News