Dahil umano sa pagtatalo sa sukli, binaril at napatay ng isang kostumer ang may-ari ng isang karinderya sa San Carlos City, Negros Occidental.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Wilmer Sy, 32-anyos, ng Barangay 4 sa nasabing lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagtalo umano ang biktima at ang suspek na suki sa kainan dahil sa kulang na sukli.

ADVERTISEMENT

Hindi nagtagal, binaril ng suspek ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at balikat na kaniyang ikinamatay.

Kaagad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may iba pang dahilan ang suspek sa ginawang pagpatay sa biktima.

Samantala, binaril at napatay ng mga hindi kilalang salarin ang pinaghihinalang miyembro ng isang robbery-hold-up group na si Donald Joseph Graciano Jr.

Pinagbabaril ang biktima sa gilid ng kalsada noong Miyerkules sa Barangay 2 sa Bacolod City.

Hinihinala ng mga awtoridad na alitan sa loob ng grupo ang ugat ng pagpatay kay Graciano, na posibleng pinaghihinalaan umano na naglaglag sa ilan niyang kasamahan na pinaslang din. --FRJ, GMA News