Arestado ang isang lalaki sa Cebu na nagbanta umano sa isang babaeng estudyante na ipakakalat ang mga hubad niyang larawan kung hindi papayag na makipagtalik sa kaniya.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Paul Vincent Valiente, 19, ng Barangay Pitogo sa Consolacion, Cebu.

Ayon sa pulisya, inilatag ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lapu-Lapu City Field Office, ang entrapment operation matapos na magsumbong sa kanila ang estudyanteng biktima.

Nagkakilala umano ang suspek at biktima sa social media. Kinalaunan, nag-alok umano ang suspek na bibigyan ng pera ang estudyante kung magpapadala ng mga hubad na larawan.

Dahil kailangan ng pera na pambayad ng tuition, pumayag ang estudyante at nagpadala ng mga hubad niyang larawan kay Valiente.

Pero sa halip na padalhan ng pera, ginamit ng suspek ang mga larawan upang i-blackmail ang estudyante.

Banta ng suspek, ipakakalat niya ang mga hubad na larawan ng biktima kung hindi papayag na makipagtalik sa kaniya.

Dito na dumulog sa CIDG ang biktima at naaresto ang suspek na mahaharap sa patong-patong na reklamo.

Inaalam pa ng pulisya kung may iba pang nabiktima ang suspek.

Nagpaalala rin ang awtoridad sa publiko na huwag magpapadala ng mga maselang larawan sa mga hindi kilala para hindi maging biktima ng katulad na modus. --FRJ, GMA News