INFANTA, Quezon - Dalawa ang patay habang apat ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang truck sa Infanta-Marikina Road sa bahagi ng Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon nitong Martes, dakong alas-otso ng umaga.

Base sa report ng Infanta Municipal Police Station, galing sa Calumpit, Bulacan ang truck lulan ang mga construction materials at patungo sa bayan ng Infanta.

Kuwento raw ng isa sa mga lulan ng truck, nawalan daw ito ng preno hanggang sa magpagewang-gewang at bumulusok sa bangin.

ADVERTISEMENT

Kinilala ang mga nasawi na sina Roberto Vicente, 58, ang driver na residente ng Calumpit, at Joseph D. Galang na isang electrical engineer.

Sugatan naman sina Archie L. Vicente, 30, Norly B. Buco, 32, Virgillo D. Chico, 34, at Marilou Sangil, legal age, na pawang  mga residente ng Calumpit, Bulacan.

Naging pahirapan ang isinagawang rescue operation ng Infanta Emergency Response Team (ERT) dahil sa bukod sa malalim ang bangin ay masama rin ang panahon sa lugar.

Dinala na sa pagamutan ang mga sugatan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Infanta Municipal Police Station. —KG, GMA News