Pinatay sa saksak sa loob ng kaniyang bahay ang isang punong barangay sa Malasiqui, Pangasinan. Ang itinuturong suspek sa krimen, ang nakababata nitong kapatid.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Benigno de Luna, 54-anyos, chairman ng Barangay Lasip sa Malasiqui.

Labis ang hinanakit ng maybahay ni de Luna na si Crispina dahil ang kapatid ng biktima ang lumilitaw na suspek sa krimen.

Ayon kay Crispina, walang ibang kaaway ang kaniyang mister maliban sa kapatid nito.

"Of all people ikaw pa na kapatid [ang papatay]. Kung ibang tao siguro matatanggap ko, pero ikaw... kapatid ka. Minahal ka namin, alam mo 'yan," hinanakit ng ginang.

Hinihinala na alitan sa pera ang nakikitang dahilan sa krimen.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng 11 saksak sa katawan ang biktima.

Lumilitaw din sa pahayag ng ilang saksi na walang ibang tao na pumasok at lumabas sa bahay ng biktima kung hindi ang kapatid ng biktima na patuloy pang pinaghahanap. --FRJ, GMA News