Nahuli-cam ang banggaan ng dalawang motorsiklo na nagresulta sa pagkasawi ng isang rider, habang 3 ang nasugatan sa Antique.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Ilawod sa bayan ng Bugasong.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang motorsiklo na may sakay na tatlo katao na papatawid sa highway.

ADVERTISEMENT

Pero maya-maya lang, tumilapon na ang mga sakay nito pati na ang rider ng motorsiklo na nakabangga sa kanila.

Ayon sa awtoridad, kagagaling lang ng tumawid na motorsiklo sa isang gasolinahan.

Kinilala ang rider ng motorsiklo na galing sa gasolihan na si Rey Gindap, 27 anyos, at may sakay siya na dalawang menor de edad.

Kapuwa sila nakaligtas at nagpapagaling sa ospital.

Binawian naman ng buhay ang rider ng motosiklong nakabangga sa kanila na si Hancel Estepano, 32-anyos.

--FRJ, GMA News