Sa kulungan ang bagsak ng isang 63-anyos na lolo na suspek na nahaharap sa halos 1,500 counts ng rape sa Caramoran, Catanduanes.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nadakip sa bisa ng warrant of arrest ang suspek, na itinuturing din ng PNP Bicol na most wanted ng rehiyon.

ADVERTISEMENT

Biktima ng lolo ang mga menor de edad niyang apo, na kaniyang pinagsamantalahan mula 2016 hanggang 2021, ayon sa pulisya.

Nagsumbong sa mga kaanak ang mga biktima tungkol sa ginagawa sa kanilang panghahalay ng kanilang lolo, kaya nahuli ang suspek.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng DSWD ang mga bata para sumailalim sa counseling.

Wala namang inirekomendang piyansa para sa suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA News