Nasawi ang isang rider nang mapunta ang minamaneho niyang motorsiklo sa kabilang linya ng kalsada at pumailalim sa nakasalubong na mixer truck sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si John Carl Montemayor, 24-anyos, residente ng Calasiao, Pangasinan.

Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Banlag sa Mangaldan, makikita ang pagdating ni Montemayor sakay ng kaniyang motorsiklo at maayos naman ang lagay ng trapiko sa kalsada.

ADVERTISEMENT

Pero biglang lumihis ang takbo ng motorsiklo ng biktima at napunta sa kabilang linya ng daan at pumailalim sa kasalubong na truck.

Umusad pa ang truck ng ilang metro bago tuluyang nakapreno habang nasa ilalim ang biktima na kaagad na binawian ng buhay.

Ayon sa awtoridad, nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima nang makita sa hulihang bahagi ng truck.

Labis ang kalungkutan ng pamilya ng biktima lalo pa't kakapagdiwang pa lang ng kaarawan ng ina ni Montemayor isang araw bago maganap ang trahediya.

"Uuwi sana ng maaga para sa birthday ng mama niya," ayon kay Gemmalyn Eden, kaanak ng biktima.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang driver ng truck at nagkaroon na lang ng pag-uusap ang magkabilang panig. --FRJ, GMA News