Arestado ang isa umanong bugaw habang binibilang ang markadong pera na ibinayad sa kaniya ng undercover agent sa entrapment operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si John Paul Lopez, na inaresto sa isang resort sa San Pablo, Laguna.

Sa loob ng resort, nasagip ang 16 na babae, kabilang ang tatlong menor de edad, na biktima umano ng online sex trafficking ng suspek.

Ayon sa NBI, grupo umano kung magdala ng mga babae ang suspek kapag nakapagsara ng "booking" sa mga kliyenteng nakakatransaksiyon nito via online.

Sinabi ni Atty. Michelle Valdez, OIC, NBI-CC, na nagpo-post sa social media ang suspek para sa nais nitong biktimahin at aalukin. Kapag may nagpahayag ng interes, kakausapin niya na ito sa private chat.

Susuriin ng cybercrime division ang cellphone ng suspek para matukoy ang iba pa niyang kasamahan na sangkot sa sex trafficking. --FRJ, GMA News