Laking tuwa ng isang fur mom sa South Cotabato nang makita niya sa labas ng kaniyang bahay ang aso niyang Shih tzu na mahigit isang taon nang nawawala.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ang asong si “Patchi” na naglalakad at tumambay sa gilid ng kalsada.

Nang lumabas ng bahay ang kaniyang fur mom na si Mhay Rabina, nagkatinginan sila ng aso na tila naghihintay na makilala siya.

Ayon kay Mhay, nang tawagin niya ang pangalan nito, agad na kumawag ang buntot at lumapit sa kaniya ang aso.

“Tumalon po siya sa akin, hindi po ako makapaniwala,” kuwento ni Mhay.

Agad daw nilang dinala sa vet si Patchi matapos na mapansing payat ito at may problema sa balat.

Sa ngayon, nagpapagaling na raw ito at masayang nakabalik sa kanilang pamilya.

Labis naman ang pasasalamat ni Mhay na nakapiling niyang muli si Patchi. – FRJ GMA News