Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes ang isang lalaki na nagpanggap na mayroon siyang impormasyon sa kinaroroonan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na inisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nadakip ang lalaki sa tinutuluyan nitong condominium unit sa Novaliches, Quezon City.

Natuklasan na modus ng lalaki ang paggamit ng pangalan ng mga matataas na opisyal sa gobyerno para makakuha ng pera.

“There's a coordination from the presidential security command natin together with our OTCD to apprehend this person who represents himself na kunwari siya ang secretary ng isang departamento, kunwari siya si first lady,” ayon kay NBI Director Melvin Matibag.

Sa hiwalay na ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, inihayag ng NBI na tumawag ang suspek kay Executive Secretary Ralph Recto at nagsabing may lead siya sa kinaroroonan ni Dela Rosa.

Pero lumabas sa imbestigasyon ng NBI na walang alam ang suspek sa kinaroronan ng senador at mga galing sa social media ang nalalaman nitong impormasyon.

“Pinadalhan ko ng certain amount, maliit lang talaga na amount, nung pinadalhan ko na siya, sumusunod na humihingi na ulit ng amount,” sabi ni Matibag sa ulat ni Consulta, nang ipaliwanag kung papaano nila natunugan na manloloko ang suspek.

Nang hingan ng pahayag ang suspek, sinabi nito na magbibigay siya ng affidavit, at inihayag na pulis ang nag-utos sa kaniya.

“Hindi naman high-ranking na pulis,” saad niya.

Mahaharap ang suspek sa reklamong estafa in relation to Republic Act No. 1175, o Cybercrime Prevention Act.

Samantala, nagbabala si Matibag sa sino man na manloloko o magbibigay ng maling impormasyon tungkol sa kinaroronan ni Dela Rosa na maaari sila arestuhin at makulong.

--FRJ GMA News