Nagpiyansa na nitong Biyernes ng hapon si Senador Jinggoy Estrada ng P90,000 sa Sandiganbayan para sa kaniyang pansamantalang kalayaan kaugnay ng kasong graft o katiwalian, na isinampa laban sa kaniya dahil sa pagkakasangkot umano sa anomalya sa flood control projects.

Dumating si Estrada sa Sandiganbayan kasama ang kaniyang mga anak na sina Janella at Julienne Estrada. Kaninang umaga nang maglabas ng arrest warrant ang Second Division ng anti-graft court na siyang may hawak ng kaso.

Nahaharap din si Estrada sa hiwalay na kasong at plunder o pandarambong na hawak naman ng Fifth Division ng korte. Walang nakalaang piyansa sa naturang kaso.

Nauna nang naghain si Estrada ng agarang mosyon upang bawiin ang paglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya. Idinahilan ng senador na hindi pa siya nabibigyan ng impormasyon hinggil sa batayan ng mga kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya.

Sinabi ni Atty. Noel Ostrea, abogado ni Estrada, sa mga mamamahayag na naghain sila ng agarang mosyon upang bawiin ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa kaniyang kliyente sa Ikalawa at Ikalimang Dibisyon ng Sandiganbayan noong Martes ng umaga, o bago pa man maglabas ng anumang warrant of arrest ang anti-graft court laban sa senador.

“We filed it before lunch. We kind of understand that what we filed was extraordinary, but we hope the Sandiganbayan justices will understand that our client has yet to receive the Ombudsman and Department of Justice resolutions charging him of these crimes,” sabi ni Ostrea.

“How can we file a proper motion when we do not know the basis of these charges? Tanong pa niya.

Malabong mga akusasyon

Ayon kay Ostrea, bagaman sinabihan si Estrada ng Department of Justice na pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kaniya, hindi naman umano malinaw na tinukoy sa mga alegasyon ang mga kasong plunder at graft.

“There were no clear-cut allegations that we can refute. They should be able to specify the projects involved here," giit ni Ostrea.

"There was no identification of instances where he made the mistake,” dagdag ng abogado.—FRJ GMA News