Kinokonsidera ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magbigay ng pabuya para sa mga impormasyon na maaaring maging daan upang madakip si Senator Ronald “Bato” dela Rosa. Pakiusap din ng kalihim sa mambabatas, sumuko na.
“Puwede, considering that, but apparently it's not effective yet,” sabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang ambush interview.
Ayon pa kay Remulla, patuloy ang mga operasyon ng pulisya sa buong bansa para mahanap si Dela Rosa.
“We have 7,467 islands. We have 225,000 policemen. We’re disposing of all our resources para mahanap siya. You have to understand hindi madali ito. We have 40,000 plus barangays to search,” sabi niya.
“There are always leads. But nine out of 10, the leads naman are just leads. Just be patient,” dagdag pa niya.
Umapela si Remulla na boluntaryong sumuko si Dela Rosa, habang tinitiyak na igagalang ang karapatan ng senador.
“Please surrender. Gagalangin ka namin. Your rights will be observed. But, huwag na natin patagalin ito kasi baka umuwi pa ito sa hindi mo gusto,” sabi niya.
“So mabuti na mag-surrender ka na. We will treat you as an officer and a gentleman and we will follow all due process para sayo,” dagdag ni Remulla.
Natanong kung nagsagawa ang pulisya ng operasyon sa ancestral house ni Dela Rosa sa Davao del Sur, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na susuriin ang lahat ng posibleng pinuntahan ng senador.
“Titingnan natin lahat ng mga whereabouts, known address, as well as yung the usual na pinupunta niya. And so, including the address where his firearms are located,” sabi ni Nartatez.
“Nakipag-negotiate tayo for them to turn in the firearms,” dagdag pa niya.
ICC arrest warrant
Una rito, kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na naglabas na ito ng arrest warrant para kay Dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga ng dating administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Habang naka-lockdown ang gusali ng Senado at nasa ilalim ng protective custody ng mataas na kapulungan si Dela Rosa noong Mayo 13, nakarinig ng mga putok ng baril sa loob nito.
Pagkatapos ng ilang oras, umalis na si Dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
May mga tracker team na ipinadala para hanapin at arestuhin ang senador.
Noong Miyerkoles, sinabi ng PNP na binawi nito ang mga lisensiya sa mga baril ni Dela Rosa.
Gayunpaman, sinabi ng kampo ni Dela Rosa nitong Huwebes na maghahain sila ng apela sa PNP kaugnay ng desisyon nitong bawiin ang kaniyang lisensya sa baril, ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Israelito Torreon.—Jamil Santos/FRJ GMA News

