Nahuli-cam ang pagtangay ng isang babae sa ilang alahas na aabot sa halos P1 milyon ang halaga mula sa isang jewelry shop sa isang mall sa Cebu City.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang pag-inspeksiyon ng isang babae na nakatakip ang mukha sa mga alahas sa naturang shop.
Ilang saglit pa, makikitang itinatago na niya ang isang alahas sa kaliwang kamay at ibinulsa ito.
Ilang beses itong ginawa ng babae, bagay na hindi napapansin ng tindera.
Natuklasang kasabwat pala ng babae ang mga katabi niya na nagpapanggap na mga customer din at kinukuha ang atensiyon ng tindera.
Sinabi ng may-ari ng jewelry shop na nasa tatlo o apat na alahas ang natangay na umaabot sa halos P1 milyon.
Kasalukuyang tinutugis ang mga salarin, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA News
