Arestado ang isang lalaki matapos na nagpanggap umano na nakaligtas sa pagguho ng ginagawang gusali sa Angeles City , Pampanga.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na pinalabas ng lalaki na bumibili siya ng inumin sa tindahang katabi ng gumuhong gusali nang mangyari ang trahediya.

Pero gawa-gawa lang umano ng lalaki ang kuwento para makakuha ng pinansiyal na tulong mula sa gobyerno.

Hindi rin umano residente sa lugar ang lalaki, at walang kaugnayan sa ginagawang gusali, o maging sa mga biktima ng pagguho.

Nagpaalala naman ang City Hall ng Angeles City sa publiko maging alerto sa mga magpapanggap na kaanak o nakaligtas sa naturang trahediya.

Sa ngayon, anim na ang opisyal na bilang ng mga nasawi na nakuha mula sa gumuhong gusali habang patuloy pa ang search, rescue at retrieval operation. – FRJ GMA News