Patay ang isang dating barangay chairman sa bayan ng San Jose, Camarines Sur matapos itong pagbabarilin ng riding in tandem sa Barangay Catalotoan, San Jose, Camarines Sur noong March 30, 2022 ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Clidoro, 43-anyos.

Ayon sa report ng San Jose Municipal Police Station, dakong alas dos ng hapon ay nagpapahinga sa kanyang duyan si Clidoro habang kausap ang ilang kaanak. Kakatapos lang daw nitong mangampanya.

ADVERTISEMENT

Habang nasa duyan daw ay huminto ang isang motorsiklo at bumaba ang mga suspek. Nagtanong daw ang mga ito kung sino si Clidoro. Nang sabihin daw ng biktima na sya si Clidoro ay pinagbabaril na ito.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan ang biktima. Naisugod pa ito sa isang pribadong pagamutan sa Camarines Sur at kinalaunan ay inilipat ito sa Bicol Medical Center. Pasado ala una ng hapon nang bawian ito ng buhay.

Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ni Clidoro sa sinapit nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station.

Si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ay nag-alok na ng isang milyong pisong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng nasa likod ng pamamaril. -- BAP, GMA News