Isang babae ang natagpuang patay sa ilalim ng kama sa Tuguegarao City, Cagayan, ayon sa ulat ni Mark Salazar sa Saksi nitong Miyerkules.

Balot ng kumot at kahon ang biktimang kinilalang si Jennifer Oñate, na sinasabing ginahasa muna bago pinatay.

ADVERTISEMENT

Natagpuan ang bangkay ni Oñate sa loob ng isang paupahang kuwarto nitong Lunes ng hapon, dalawang araw matapos siyang i-report na nawawala ng kaniyang mga kaanak.

Sumuko na sa pulisya sa Gonzaga, Cagayan, ang suspek na si Vilfred Carodan at inamin ang kaniyang nagawa, ayon kay Police Lieutenant Anazel Bosi, information officer ng Tuguegarao City Police.

Personal daw na kilala ni Carodan ang biktima dahil maliban sa magkapit-kuwarto lang sila ay magkatrabaho rin ang biktima at ang girlfriend ng suspek.

Ayon pa kay Bozi, gabi nagtatrabaho ang kasama ni Oñate sa bahay kaya nagawa siyang pasukin ni Carodan nitong Sabado ng madaling araw. --KBK, GMA News