Kalunos-lunos ang sinapit ng isang driver ng garong (tricycle) na tumilapon matapos bumangga sa kotse at nasagasaan ng truck sa Pangasinan. Ang kotse, biglang tumigil dahil sa nangyaring salpukan ng dalawang rider.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Nancayasan sa Urdaneta City.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang salpukan ng dalawang motorsiklo. Ligtas naman ang dalawang rider na nagtamo lang ng galos.

ADVERTISEMENT

Pero dahil sa nangyaring aksidente, biglang napapreno ang isang pulang kotse.

Bumangga sa likod ng kotse ang garong (isang uri ng tricycle) na minamaneho ni Ronel Quiroz , 24-anyos, residente sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa lakas ng pagbangga ni Quiroz sa kotse, tumilapon siya at nasagasaan ng paparating na truck.

Nasawi si Quiroz dahil sa matinding sugat na tinamo sa ulo.

Ayon sa mga kaanak, papunta sana sa isang manggahan si Quiroz para tumulong sa pag-ani.

Handa umano ang pamilya ni Quiroz na makipag-areglo sa driver ng truck kung tutulong ito sa pagpapalibing ng biktima.--FRJ, GMA News