Arestado ang isang 41-anyos na lalaking "tutor" dahil sa pangmomolestiya sa 10-anyos na babae na tinuturuan niya sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, wala nang nagawa ang suspek na itinago sa pangalang "Nicanor," kung hindi aminin ang kasalanan matapos na mahuli-cam sa CCTV camera ang kalaswaang ginagawa sa bata na kaniyang kapitbahay.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek na nagsimula ang pagmomolestiya niya sa biktima noong 2020 at walong-taong-gulang pa lang ang bata.

ADVERTISEMENT

Paglilinaw ni Nicanor, hindi talaga siya guro at high school ang inabot. Pero nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, nagboluntaryo siyang mag-tutor sa biktima.

Dahil kilala ng pamilya ng biktima, pumayag naman ang mga magulang.

Ginagawa umano ng suspek ang kalaswaan sa bata kapag wala ang mga magulang ng biktima.

Pero nagduda umano ang mga magulang ng bata nang mapansin nila ang kakaibang ikinikilos nito.

Kaya naman palihim silang naglagay ng CCTV camera sa kuwarto kung tinuturuan ng suspek ang biktima at doon na nakita ang kahalayan na ginagawa ni Nicanor sa bata.

Kaagad na ipinaaresto si Nicanor na mahaharap sa kasong statutory rape, ayon sa pulisya.

Labis naman ang pagsisisi ng suspek sa kaniyang ginawa, at tatanggapin daw niya ang magiging parusang ipapataw sa kaniya ng korte. --FRJ, GMA News