Nahuli-cam ang suntukan ng ilang tricycle drivers na nakapila sa harapan ng isang mall sa General Santos City. Ang itinuturong dahilan, agawan sa pasahero.

Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita na mistulang naging boxing ring ang drop-off point ng isang mall dahil sa pagsusuntukan ng dalawa munang driver.

Ilang kapuwa driver nila ang umawat sa dalawa at sandali silang napaghiwalay.

Pero maya-maya pa, muling nagkagulo at nakasali na rin sa suntukan ang ilan pang driver.

"Based sa report, hindi sila nagkaintindihan nung mga driver na involved sa suntukan kahapon kung sino yung [dapat] mauna na mag-pick ng pasahero," ayon kay Police Leiutenant Colonel Aldrin Gonzales, GenSan Police Office Spokespeson.

"Heated argument at doon na nagkasuntukan and nagkarambola sila. Most likely, nakapila 'yan, parang dalawang grupo 'yan na nakaparada diyan at salitan dapat 'yan," patuloy ni Gonzales.

Nagkasundo rin naman ang mga driver kinalaunan at hindi na nagsampa ng reklamo.--FRJ, GMA News