Isang ginang na natutulog ang nasawi matapos sumalpok at pumasok sa loob ng kanilang bahay ang isang humaharurot na pick-up truck sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Melody dela Cruz, 33-anyos, residente sa Barangay San Miguel.

ADVERTISEMENT

Mapalad na nakaligtas ang kaniyang mister at kanilang mga anak.

Ayon sa pulisya, bago sumalpok sa bahay ang pick-up, dalawang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada ang una nitong binangga.

Bago ang trahediya, nakuhanan sa CCTV camera ang pick-up truck na matulin ang takbo.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng mga awtoridad, na nakainom ang driver ng pick-up truck nang mangyari ang insidente.

Nangako umano ang driver ng sasakyan na sasagutin ang gastusin sa mga napinsala niya. --FRJ, GMA News