Napatay ng mga rumespondeng awtoridad ang isang lalaking armado ng itak at nanaga umano ng isang habal-habal driver sa kalsada ng Quezon, Bukidnon.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules sa Purok Tres sa Barangay Dumalama.

ADVERTISEMENT

Makikita sa isang video ang suspek na residente sa lugar, habang nakatayo sa gitna ng kalsada.

Ayon sa pulisya, ayaw magpadaan ng nagwawalang suspek. Pilit umano siyang pinapakalma ng mga awtoridad.

Pero hindi nagtagal, nadinig na ang sunod-sunod na putok ng baril. Binaril na umano ng mga pulis ang suspek nang tagain niya ang isang driver na nagtamo ng sugat sa noon.

Iimbestigahan naman ng mga awtoridad ang insidente dahil na rin sa puna ng mga tao na umano'y mabagal na aksyon ng mga rumespondeng pulis kaya nagawa pang makapanaga ng suspek.--FRJ, GMA News