Nadakip sa Bulacan dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga ang lalaking pinaghahanap ng mga awtoridad sa kasong pananaksak at tangkang paghalay sa kaniyang pinsan sa Cavite.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nadakip ang suspek sa Pulilan, Bulacan matapos mabilhan ng ilegal na droga.

“Nakabili tayo sa halagang P500 ng shabu dito sa ating suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Gil Arizo Domingo, hepe ng Pulilan police.

ADVERTISEMENT

Nitong nakaraang Mayo nang tangkain ng suspek na gahasain ang kaniyang pinsan na isang single mom. Nanlaban ang biktima na nagtamo ng siyam na saksak sa iba't ibang parte ng katawan.

Tumakas ang suspek nang may makarinig sa sigaw ng biktima na humingi ng tulong.

Bago maaresto sa Bulacan, sinabi ni Domingo na inirereklamo ang suspek na laging naghahamon ng away kapag lasing.

“Gusto ninyo saksakin ko rin kayo gaya nang ginawa ko sa Cavite? Yun ang lagi niyang binabanggit daw tuwing nakainom siya at naghahamon ng away,” ayon sa pulis.

Humingi naman ng tawad ang suspek sa kaniyang pinsan dahil sa kaniyang ginawa.

“Nanghihingi po ako ng sorry kung nagawa ko po yun... pero hindi ko po ginusto 'yon,” sabi nito.--FRJ, GMA News