Patay ang isang magsasaka sa Mayoyao, Ifugao, dahil sa landslide, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon, pumunta ang biktima sa bahay ng kaniyang kapatid at nanatili roon dahil sa malakas na ulang dulot ng hanging Habagat na pinalakas ng Bagyong Henry.

ADVERTISEMENT

Hindi na nakalabas ang biktima nang gumuho ang lupa sa lugar.

Dahil din sa masamang panahon, stranded ang ilang motorista sa Bontoc, Mountain Province.

Baha at hindi na madaanan ang mga kalsada sa Barangay Samoki, samantalang nagkalat naman ang mga bato't putik sa mga daan sa Barangay Bontoc Ili dahil sa rockslide at mudslide. —KBK, GMA News