Tinapatan at saka pinagbabaril ng riding in tandem ang isang lalaki na nagmamaneho ng tricycle sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Bakero ang biktimang si Marcelo Quimbao, habang nagmamaneho ng tricycle.

Nakabuntot naman sa kaniya ang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki. Nang tumapat kay Quimbao ang motorsiklo, pinagbabaril na siya ng nakaangkas na lalaki.

ADVERTISEMENT

Tumagilid at natumba pa ang tricycle ng biktima, habang nakatakas ang mga salarin.

Nadala pa sa ospital si Quimbao pero binawian din ng buhay kinalaunan.

Ayon sa mga kaanak ni Quimbao, susunduin sana ng biktima ang mga anak nang mangyari ang krimen.

Humihingi sila ng tulong upang mabigyan ng hustisya ang biktima.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Inaalam din nila ang motibo ng pamamaril, kabilang na ang posibilidad na away sa lupa.--FRJ, GMA News