Isang pugot na bangkay ng lalaki ang natagpuan sa gitna ng kalsada sa Talisay, Negros Occidental, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes.

Nakadapa at nakatali ng straw sa likod ang dalawang kamay ng biktima. Wala rin itong damit pang-itaas at may mahabang sugat sa likod at mga pasa sa katawan.

Natagpuan ang ulo ng biktima 'di kalayuan sa kaniyang katawan.

Kinilala ang biktima na si Mario Demetrio na taga-Bacolod City.

Batay sa imbestigasyon, si Demetrio ang itinuturong bugaw na nakatransaksiyon ng kliyente na person of interest sa pagpatay sa isang sex worker na kinilalang si Rovelyn Mahinay.

Natagpuang patay si Mahinay sa Bacolod City noong September 8. Si Demetrio sana ang itinuturing na susi sa krimen ngunit bigla na lang siyang nawala.

Ayon sa pulisya, malaki ang posibilidad na isa lang ang pumatay sa sex worker at kay Demetrio para mapagtakpan ang krimen. —KBK, GMA News