Nasawi ang isang 57-anyos na babae matapos masagasaan ng trak habang hinahabol ang papatawid na apo sa Asingan, Pangasinan.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes batay sa detalye mula sa GMA Regional TV One North Central Luzon, nangyari ang insidente sa Barangay Toboy ng nasabing munisipalidad.

Namatay ang babae dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo samantalang ligtas ang kaniyang apo.

Patuloy na sinusubukang makunan ng pahayag ang kaanak ng biktima.

Patuloy din ang pag-uusap ng kaanak ng biktima at driver ng trak tungkol sa insidente.—Jamil Santos/AOL, GMA News