Dumapa man ang mga tanim niyang palay matapos ang pananalasa ng Bagyong Karding, malaki ang pag-asa ng viral na magsasaka sa Laur, Nueva Ecija na makakabawi siyang muli sa susunod na panahon ng pagtatanim.

"Ito ako sa bukid ko, kinakabahan. May bagyo. Ewan kung ano ang mangyayari bukas," sabi ng magsasakang si Felix Pangibitan sa kaniyang video isang araw bago mag-landfall ang Bagyong Karding.

"Sayang, ang ganda ng palay. Vinideo ko na kasi bukas hindi ko alam kung mananatili pa itong nakatayo maghapon hanggang gabi."

Naantig at nakisimpatiya ang netizens sa sitwasyon ni Pangibitan, na nagbaka-sakaling lumihis ang bagyo. Ngunit pagkahagupit ng bagyong Karding, dumapa na ang kaniyang mga palay at hindi na maaani pa.

ADVERTISEMENT

"Bawi na lang next time. At least buhay kami pagkaraan ng bagyo," sabi ni Pangibitan.

Sa kaniyang panayam sa “Unang Hirit” nitong Martes, sinabi ni Pangibitan na may maisasalba pa siya sa kaniyang mga palay, pero tinatantiya niyang hindi na mapakikinabangan pa ang nasa 60% nito.

Ayon pa sa kaniya, dalawang linggo na lamang sana ang kaniyang hihintayin bago maani ang mga palay.

"Wala na po kaming magagawa, partikular na ako, kundi maghintay. Talagang due date niya para ma-harvest. Pero 'yung mga dumapa, nasa ilalim, wala na po 'yun, mabubulok na po 'yun," anang magsasaka.

Hindi na aniya mapakikinabangan ang kaniyang palay kahit itayo.

Sa kabila nito, hindi nawawala ang kaniyang pag-asa na muli silang makakabangon.

"By second week ng December, mag-uumpisa na naman ang laban namin diyan. Doon po ang inaasahan naming pagbawi, pagtayong muli," sabi ni Pangibitan.

Nanawagan naman si Pangibitan ng tulong mula sa gobyerno. — VBL, GMA News