Isang 62-anyos na lalaki sa Abra ang nasawi matapos mabagok ang ulo dahil sa panununtok umano ng isang tanod ng Barangay Bugbog sa Bucay, Abra.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jacito Tenebro, ng nasabing barangay.

Nasawi si Tenebro habang ginagamot sa ospital.

ADVERTISEMENT

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na bago ang panununtok, nag-iinuman ang biktima at suspek na si Ronald Tagura, 40-anyos.

Pero nagkaroon ng alitan ang dalawa dahil sa pangungutang umano ng suspek, na nauwi sa panununtok.

Natumba ang biktima at tumama sa sementadong kalsada ang likod ng ulo kaniyang ulo, ayon sa asawa ni Tenebro.

Humingi naman ng patawad si Tagura sa nangyari. Pero ayon sa pulisya, desidido ang pamilya ng biktima na sampahan siya ng kaso.

Ayon sa pulisya, hinihintay na lang nila ang medical o death certificate ng biktima para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito kaugnay sa gagawing pagsasampa ng reklamo.--FRJ, GMA News