Patay any isang sibilyan habang sugatan naman ang isang pulis sa nangyaring barilan sa Barangay Gapas, Guinayangan, Quezon pasado 8:00 ng gabi nitong Sabado. 

Base sa report ng Guinayangan Municipal Police Station, umiinom ng beer sa terrace ng kanilang bahay si Police Master Sgt. Randel Pulutan nang dumating ang kaalitan nitong si Edgardo Relado.

Ilang minuto ang lumipas ay magkakasunod na putok na ng baril ang umalingawgaw sa lugar.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan ang nasawi na si Edgardo na agad nitong ikinamatay habang sugatan rin ang pulis na si Pulutan.

Kaagad raw na naisugod sa pagamutan ang pulis.

Ayon pa sa report, matagal nang may alitan sina Relado at Pulutan. Nagkahamunan na raw ang dalawa ng away noong nakaraang buwan. Hindi naman nabanggit kung ano ang dahilan ang matagal nang away ng dalawa.

Si Police Master Sgt. Randel Pulutan ay naka-assign sa Police Regional Office sa Laguna.

Nasa lugar na ngayon ng krimen ang SOCO at kasalukuyang nagsasagawa ng pagsisisayasat habang patuloy ang ginawagang imbestigasyon ng Guinayangan Municipal Police Station sa insidente.

Si Pulutan ay inilipat na sa isang pagamutan sa Laguna. —LBG, GMA News