Nauwi sa trahediya ang ginagawang paglilinis ng isang ama sa kaniyang baril matapos itong aksidenteng pumutok at tinamaan ng bala ang kaniyang apat na taong gulang na anak na lalaki sa Apayao.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon," sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Naguilian sa Calanasan, Apayao.

ADVERTISEMENT

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nililinis umano ng ama ang baril nang pumutok ito.

Una raw tumama ang bala sa pader ng bahay at nahagip ang batang biktima na naglalaro sa labas ng bahay nang sandaling iyon.

Natuklasan din ng mga awtoridad na walang kaukulang dokumento ang baril.

Sinampahan ng kaso ang ama na wala pang pahayag, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News