Tatlo katao, kabilang ang isang mag-lola na naglalakad sa gilid ang nasawi sa Pasuquin, Ilocos Norte matapos silang masalpok ng SUV.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Dese Laureta, 65-anyos, at apo niyang si Irish Clemente, 14-anyos.

Nasawi rin ang James Buted, 63, na sakay naman ng tricycle, na nahagip din ng SUV sa Barangay Davila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nag-overtake umano ang driver ng SUV at unang nabangga ang tumigil na motorsiklo.

Sunod na nitong nahagip ang mga nasawi, kabilang ang naglalakad na mag-lola, at matandang lalaki na nasa tricycle.

Ligtas naman ang driver ng SUV na tumangging magbigay pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News