Isang araw matapos na iulat na nawawala, nakitang patay sa bahay ng kanilang kapitbahay ang isang batang lalaki sa Concepcion, Tarlac.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Axel Castro, 2-anyos, ng Barangay Green Village.

Miyerkules nang i-report ng pamilya na nawawala ang bata pero hindi raw nila inakala na nasa kapitbahay lang nila pala ito.

Mayroong umanong busal ang bibig ng bata, may mga sugat at pasa, ayon sa kaanak ng biktima.

"May narinig silang nagkuwento nung mag-ina, yung sabi niya 'Nanay 'di 'ko na kaya.' Sabi daw noong pumatay. Narinig ng kapatid kong lalaki, biglang pumasok sa bahay tapos nakita sa kuwarto nakahandusay ang bata," ayon kay Kagawad Rodel Evaristo, tiyuhin ng biktima.

Hindi na muna nagpaunlak ng panayam ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon, sabi sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News