Isang barangay kagawad sa Bacoor, Cavite and namatay matapos barilin sa harap ng barangay hall nitong Biyernes ng hapon.

Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, dead on arrival sa ospital ang kagawad na si Angel Ventura Tamayo ng Barangay Sineguelasan.

ADVERTISEMENT

Ayon sa report na natanggap ni Police Colonel Christopher Olazo, ang provincial director ng Cavite Police, 5:50 p.m. nang mangyari ang pamamaril.

Kausap raw niya ang barangay secretary na si John Paul Grande nang bigla siyang lapitan ng dalawang lalaki na naka-bullcap, naka-face mask at magka-angkas sa motorsiklo.

Nadinig ang putok ng baril, bumulagta ang biktima, at nakitang kumaripas ang takbo ng magka-angkas sa motorsiklo.

Idineklarang dead on arrival ang biktima sa Binakayan Hospital kung saan siya isinugod ng mga nasa barangay hall.

Agad namang nagsagawa ang pulisya ng dragnet operation sa lugar. Sa ngayon ay inaantabayanan pa ang resulta ng pagpapatuloy na imbestigasyon ng pulisya. —Sherylin Untalan/NB, GMA Integrated News